Umano’y maluhong Christmas party ng PCSO noong 2017, inimbestigahan ng Kamara

by Radyo La Verdad | February 14, 2018 (Wednesday) | 4284

Naging emosyonal si PCSO Board Memebr Sandra Cam sa pagdinig sa Kamara sa umano’y maluhong Christmas party ng ahensya sa kabila ng maraming mahihirap na Pilipino ang nagtitiyagang pumila  sa  PSCO araw-araw para humingi ng tulong.

Ayon kay Cam, 10 milyong piso ang pondong ni-request ng PCSO board para sa kanilang Christmas party na ginanap sa isang mamahaling hotel.

Aniya, dapat ay ibinigay na lamang ito sa mga biktima ng bagyong Urduja at sa mga nangangailangan ng tulong medical.

Pero paliwanag ni PCSO General Manager Alexander Balutan, walang anomalya sa paggamit ng nasabing pondo.

Aniya, 14M pesos ang pondong inaprubahan ng DBM para sa nasabing event. Hindi rin nila kinuha sa charity fund ang pondo kundi sa Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE ng ahensya.

Malaki pa nga daw ang kanilang natipid dahil 6m lang ang kanilang nagamit habang ibinalik nila sa treasury ang 3 million pesos na natira sa pondo.

Samantala, kinuwestiyon naman ni Committee on Good Government Chairman Johnny Pimentel ang umano’y pagbayad ng PCSO ng 16-thousand pesos para sa serbisyo ng pari sa thanksgiving mass na parte rin ng kanilang event.

Sa susunod na pagdinig ipapatawag ng kumite ang Commission on Audit para alamin kung ano-ano pa ang posibleng naging paglabag ng PCSO sa isyung ito.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,