Umano’y leak sa operasyon ng militar sa Basilan noong Sabado, iniimbestigahan na ng AFP

by Radyo La Verdad | April 13, 2016 (Wednesday) | 945

BRIG-GEN-RESTITUTO-PADILLA
Patuloy ang pagtugis ng military sa mga tumatakas na Abu Sayaff Group sa Basilan na pinamumunuan ni Isnilon Hapilon Radzmil Jannatul alias Kubay.

Hanggang sa ngayon hindi pa batid ng AFP kung may nag-leak o nagbigay ng impormasyon sa Abu Sayaff kaya natiktikan ang paparating na sundalo ng 44th Infantry Division noong Sabado na ikinamatay ng 18 sundalo.

Ayon sa AFP, kaagad na iimbestigahan ang pangyayari kapag tapos na ang operasyon sa Basilan.

Pinag-aaralan na rin ng AFP ang mga lumabas na video sa internet ng sagupaan sa Basilan noong Sabado.

Nanawagan rin ang AFP sa mga netizen na huwag basta-basta maniniwala sa mga napanood na video dahil gusting siraan ng mga kalaban ng pamahalaan ang mga sundalo.

Sa ngayon, umabot na sa dalawamput lima ang patay sa panig ng kalaban.
Wala pang napapabalitang karagdagan casualty sa panig ng militar.

Bukod sa Morrocan national na si Mohammad Khattad na isang bomb expert na napatay sa engkwentro noong Sabado – nasawi rin ang isa pang high value target na si Furuji Indama.

Isa si Indama sa mga pinagkakatiwalaang leader ni Hapilon.

Paliwanag ng AFP, nasa Pilipinas si Khattab upang kumbinsihin ang iba’t ibang terroristang grupo dito na magkaisa at sumali sa international terrorists groups.

Sa ngayon, inaalam pa anya nila kung kasapi sa grupong Daesh si Katthab.

Nagpahayag naman ng pakikiramay si US Amb. Goldberg sa mga napatay na sundalo sa Basilan.

Sinabi rin nito mas dapat na paigtingin pa ang koordinasyon ng Pilipinas at US sa paglaban sa terorismo.

(Rosalie Coz/UNTV NEWS)

Tags: