Umano’y kwestyonableng ballot images, dapat imbestigahan ng COMELEC at PET ayon sa abogado ni VP Robredo

by Radyo La Verdad | January 31, 2018 (Wednesday) | 3223

Katawa-tawa para sa abogado ni Vice President Leni Robredo ang alegasyon ni dating sen. bongbong marcos na nagkaroon ng dayaan sa nakaraang halalan.

Kahapon, nagpakita ng mga balota si Marcos bilang patunay umano ng pandaraya sa kanya ni Robredo at ng Liberal Party.

Makikita umano sa mga balota na hindi binibilang ang kanyang boto habang kahit spoiled na dapat ang iba, binibilang pa rin ito pabor kay Robredo.

Pero ayon kay Atty. Romulo Macalintal, ipinapakita lamang nito na mahina ang protesta ni Marcos kayat inililihis ng kampo nito ang usapin.

Ang pinakambuting gawin aniya ni Marcos ay ikumpara ang hawak niyang mga balota sa hawak ng COMELEC o ng Presidential Electoral Tribunal. Dapat din aniya itong imbestigahan kung totoong may anomalya sa mga balota. Pero giit ng abogado ni Marcos, galing mismo sa PET ang kanilang kopya at konkretong ebidensiya ito ng pandaraya.

Ipinauubaya na aniya nila sa COMELEC kung iimbestigahan ito dahil sa ngayon, mas prayoridad nila na maumpisahan ang manu-manong bilangan.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,