Umano’y illegal recruiter, huli sa entrapment operation ng CIDG sa Alabang

by Radyo La Verdad | August 22, 2018 (Wednesday) | 7254

Malaking sahod na aabot sa isang daang libong piso kada buwan ang ginagawang pang-engganyo ni Flora Guzman sa kaniyang mga nirerecruit na OFW para magtrabaho bilang factory worker sa South Korea .

Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group Anti-Transnational Crime Unit Chief PSupt. Roque Merdegia Jr., humingi ng tulong sa kanila ang tatlong naloko ni Guzman.

Hiningan aniya ang mga ito ng 70-150 libong piso para sa processing, medical at training fee, ngunit hindi naman nakaalis ng bansa. Hindi pa aniya nasiyahan ang suspek, humingi pa ito ng karagdagang 30 libong piso sa tatlong biktima para umano sa kanilang tiket.

Dito na nagsagawa ng entrapment operation ang CIDG-ATCU sa isang mall sa Alabang, Muntinlupa kung saan nahuli si Guzman.

Sinabi pa ni Merdegia, hinahanap pa nila ang kasabwat ni Guzman na si Michelle de Quiroz.

Ang suspek ay sinampahan na ng kasong estafa at illegal recruitment.

Paalala ng pulisya sa mga nais na magtrabaho sa ibang bansa, i-check sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kung lehitimo ang recruiter at ang recruitment agency upang hindi mabiktima ng mga manloloko.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,