Nagharap sa ipinatawag na pagdinig ng House Comittee on Metro Manila Development ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) at ilang transport group.
Mainit na pinagdebatihan sa pagdinig ang hindi magkakaparehong regulasyon sa mga batas trapiko. Inireklamo ng ilang mga tsuper at operator ang anila’y hindi makatwiran at labis na paninigil ng multa ng ilang mga traffic law enforcer.
Anila, tila pinagkakakitaan na ng ilang enforcer ang panghuhuli sa mga public ulitity vehicle (PUV), sa halip na magturo ng displina.
Dahil dito muling nabuhay ang panukalang magkaroon ng single ticketing system o gawing magkakapareho na ang mga regulasyon at multang ipapataw sa mga motorista ng mga local government units (LGUs).
Ayon kay dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman at ngayo’y Marikina First District Congressman Bayani Fernando, mas makabubuti kung iaatas na lamang sa MMDA ang pagtatakda ng mga batas trapiko sa halip na ipaubaya pa sa mga LGU.
Ayon sa grupong Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), panahon na upang amyenda ng Kongreso ang batas at ipatupad na ang single ticketing system sa bansa.
Sa ngayon ay inatasan na ng komite ang DOTr na magsumite ng manual of procedure upang mapag-aralan ang naturang panukala.
( Joan Nano/UNTV Correspondent )
Tags: MMDA, PUV, traffic violations, transport group