Umano’y 58 recruit ng Maute group, iginiit na naloko lang sila ng recruiter

by Radyo La Verdad | August 15, 2017 (Tuesday) | 6287

Nagsumite na ng counter-affidavit sa Department of Justice ang limampu’t walo sa hinihinalang mga recruit ng Maute group na nahaharap sa kasong rebelyon.

Ayon sa mga respondent, ni-recruit umano sila ng MNLF member na si Nur Supian upang sumailalim sa training bilang mga sundalo. Itinanggi nilang konektado sila sa Maute group at hiniling na i-dismiss ang kasong rebelyon na isinampa sa kanila ng PNP-CIDG.

Maging ang kanilang recruiter, iginiit na hindi sila papunta ng Marawi upang makisali sa pag-aaklas ng mga teroristang Maute. Binigyan naman ng pagkakataon hanggang Biyernes ang recruiter upang masagot ang akusasyon sa kanya.

Tatlumpu’t dalawa sa mga respondent ang naaresto sa isang checkpoint sa Ipil, Zamboanga del Sur habang dalawampu’t pito kabilang ang apat na menor de edad ang nahuli naman sa Guiwan, Zamboanga City noong July 25.

 

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,