Ulat na may 3 batang nasawi dahil sa Dengvaxia, pinabulaanan ng Sanofi Pasteur

by Radyo La Verdad | December 5, 2017 (Tuesday) | 2465

Hiniling ng Volunteers Against Crime and Corruption sa Justice department na imbestigahan ang umano’y anomalya sa dengue vaccine program ng nakaraang adminstrasyon.

Ayon sa grupo, seryoso ang posibleng maging epekto ng Dengvaxia sa mahigit pitong daang libong bata na binakunahan nito. Pinabulaanan naman ng Dengvaxia manufacturer na Sanofi Pasteur na may mga bata na namatay matapos mabakunahan ng naturang dengue vaccine, na kinumpirma naman ng DOH.

Samantala, pinawi ng pamahalaan ang pangamba ng publiko ukol sa dengue vaccine controversy. Batay sa datos ng DOH, tinatayang isa sa sampung porsyento lang ng mga nabakunahan ang posibleng tamaan ng sinasabing “severe dengue”, ito ang tawag sa dengue infection na hindi nakamamatay at may sintomas na lagnat at pasa.

Ayon sa Sanofi, hindi awtomatikong magkakaroon ng severe dengue ang sinomang nabakunahan ng Dengvaxia.

Katuwang ang Education Deparment, binabantayan ng DOH ang kalusugan ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.

Ipinauubaya naman ng pamahalaan sa mga private medical practitioner kung ano ang kanilang ipapayo sa mga nakapagpabakuna na ng Dengvaxia.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,