METRO MANILA – Nakakatanggap ng ilang sumbong ang Bureau of Immigration (B.I.) kaugnay ng talamak na bentahan umano ng pekeng entry permits sa mga dayuhan.
Sa gitna ito ng mahigpit na border restriction sa Pilipinas dahil sa pagkalat ng COVID-19 partikular na ang Delta variant.
Una nang pinabulaanan ng B.I. na mayroon silang ibinibigay na entry permits sa mga banyaga.
Inulit din ng mga ito na ang serbisyo ay para lamang sa mga foreigner na mayroong asawa at anak na Pilipino at maging ang mga may immigrant at non-immigrant visa.
Sa ngayon, iniimbestigahan na ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang mga ulat.
Maging ang iba pang aktibidad online na may kinalaman sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic ay binabantayan din ng pambansang pulisya.
Gaya ng pagbebenta ng pekeng RT- PCR results, vaccination cards at iba pa.
Ang vaccination card ay planong idagdag sa requirements para sa cross-border travel at kasalukuyan ding ginagamit para makakuha ng diskwento sa ilang mga establiyimento.
Kaya naman paalala ni Eleazar sa publiko, wag basta basta magtitiwala at agad na isumbong sa PNP-ACG kung nabiktima ng mga online scammer.
Base sa ulat PNP-ACG, nanguna ang online scam na nasa 34% sa mga natatanggap nilang reklamo simula noong magkaroon ng pandemya.
(Zy Cabiles | Laverdad Correspondent)
Tags: Fake Entry Permits, PNP-ACG