Ulat hinggil sa isang sanggol na infected ng Zika virus sa Western Visayas, pinabulaanan ng DOH

by Radyo La Verdad | February 6, 2017 (Monday) | 931


Isang ulat ang lumabas noong Biyernes hinggil sa isang mag-ina na na-infect umano ng Zika virus sa Western Visayas.

May microcephaly umano ang iniluwal na sanggol dahil mas maliit ang ulo nito kumpara sa normal na sukat.

Ikinagulat ito ng nanay ng bata dahil wala naman umano siyang sintomas ng Zika virus noong siya ay buntis pa.

Ngunit paglilinaw ng Department of Health, hindi Zika virus infection ang kaso ng mag-ina batay sa ginawang confirmatory test sa samples na ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM.

Maaaring iba ang karamdaman ng sanggol kaya maliit ang ulo nito.

Kaugnay nito, muli namang nag-paalala ang DOH na 80-porsiyento ng Zika virus infection ay asymptomatic o walang nakikitang sintomas kaya payo nila sa mga buntis na agad magpa-eksamen at panatilihing malinis ang kapaligiran.

Sa pinakahuling tala ng DOH, umabot na sa 57 ang kaso ng Zika virus infection sa bansa; pito sa mga ito ay buntis nang ma-diagnose ng Zika virus na mula sa NCR, CALABARZON at Central Visayas.

Isa sa mga ito ang nanganak na at normal naman ang kanyang sanggol.

(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)

Tags: , ,