Uber surcharge, inihalintulad ng LTFRB sa ‘kontrata’ system ng mga taxi driver

by Radyo La Verdad | October 11, 2017 (Wednesday) | 2213

Ipinagbabawal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang pangongontrata ng mga taxi driver na dagdagan ang bayad ng pasahero kapag malayo ang destinasyon o traffic sa dadaanan.

Ngunit ayon sa ahensya, tila wala itong ipinagkaiba sa ipinatutupad na surcharge ng Transport Network Company na Uber. Depensa naman ni Atty. Jomer Castillo ng Uber, ang kontrata system sa taxi ay mag-uumpisa kapag nakasakay na ang pasahero sa loob ng taxi. Hindi gaya ng Uber na may option ang pasahero kung sisimulan ba ang kontrata.

Una nang binalak ng Uber na magpatupad ng 80 peso surcharge sa December 7 kung dadaan ng Skyway, Magallanes at C-5 entry points at lalabas ng Bicutan at Sucat, habang 100 pesos naman kung mag-eexit sa Alabang Filinvest at Susana Heights. Subalit pinigil ito ng LTFRB.

Samantala, pinagpapasa naman ng LTFRB ng supplemental position paper ang Uber sa loob ng sampung araw, habang hindi pa nareresolba ang isyu ay mananatili namang bawal sa Uber ang pagpapataw ng surcharge.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,