Uber posibleng maharap sa milyon – milyong pisong multa dahil sa paglabag sa mga regulasyon at patakaran ng LTFRB

by Radyo La Verdad | August 16, 2017 (Wednesday) | 2800

Sa isang executive meeting na ipinatawag ni Senator Grace Poe kanina, muling nagkaharap ang mga opisyal ng LTFRB at Uber Systems Incorporation. Sentro ng pagpupulong ang ipinataw ng LTFRB na isang buwang suspensyon sa operasyon ng naturang Transport  Network Company.

Napagkusunduan sa isinagawang konsultasyon na bibigyan ng pagkakataon ang Uber na muling makapaghain ng panibagong mosyon para bawiin ang suspension order. Kapag naihain na ang apela, muling magtatakda ng panibagong pagdinig ang LTFRB.

Subalit posible namang patawan ng milyon-milyong pisong multa ang Uber dahil sa mga paglabag nito sa mga regulasyon at patakaran ng LTFRB.

Bukod sa pagbabayad ng multa, nangako rin ang Uber na magbibigay ng ayuda sa kanilang mga driver at partner operators na apektado ng suspension order.

Bago pa magsimula ang executive meeting, nagkomprontahan pa ang Regional Manager ng Uber at si Chairman Delgra, kung saan humingi ng tawad ang kumpanya sa  LTFRB, kaugnay ng mga kontobersiyang kinakaharap nila sa ngayon.

Samantala, dismayado naman si Senator Grace Poe sa aniya’y mabagal na proseso bago tuluyang maresolba ang suspensyon sa Uber.

Subalit umaasa ang mambabatas na muling makakabiyahe ang Uber sa lalong madaling panahon.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,