Uber, pinagmumulta ng 190-million pesos, kapalit ng pagbawi sa suspensyong ipinataw ng LTFRB

by Radyo La Verdad | August 28, 2017 (Monday) | 3062

Posible nang bawiin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang isang buwang suspensyon na ipinataw nito sa Uber Systems Incorporated.

Ito’y sa kundisyong magbabayad muna ang kumpanya ng 190 million pesos  bago ito tuluyang payagan na makabalik muli sa kanilang operasyon. Ayon sa LTFRB, ibinatay nila ang 190 million pesos sa kinikita ng Uber.

Sa impormasyong isinumite ng kumpanya sa LTFRB, nakasaad na kumikita ang mga ito ng pito hanggang sampung milyong piso kada araw.

Base sa order na inilabas ng LTFRB noong Biyernes, sinasabi na maari nang muling makabiyahe ang mga driver at partner operators ng Uber, kung babayaran nito ang 19 na araw na natitira mula sa isang buwang suspensyon.

Bukod pa dito, ipinagutos rin ng LTFRB sa Uber na ipagpatuloy pa rin ang pagbabayad nito ng kompensasyon sa mga driver at operator hanggang sa makabalik ang mga ito sa kanilang serbisyo.

Sa pahayag naman na inilabas ng Uber, sinabi nito na sinisikap na nilang matugunan ang mga kundisyon ng LTFRB, upang maka-operate na muli.

Samantala, sinang-ayunan naman ni Senator Grace Poe ang naging desisyon ng LTFRB, subalit makakabuti aniya kung mas maagang naipalabas ang order upang agad na nakagawa ng aksyon ang Uber.

 

(Joan Nano / Correspondent)

 

 

Tags: , ,