Uber at Grab car, pinahintulutan nang magsakay ng pasahero sa airport

by Radyo La Verdad | August 27, 2015 (Thursday) | 1765

NINOY
Nilinaw ng Manila International Airport na hindi nila dini-discriminate ang mga Transport Network Company gaya ng Uber at Grab car.

Sa katunayan, pinapayagan na ang mga TNC na mag-operate sa Ninoy Aquino International Airport

Ayon sa pamunuan ng MIAA, kailangan lamang kumuha ng approval at accreditation sa kanila upang maging legal ang pagpasok at pagsasakay ng mga pasahero sa mga paliparan.

Kabilang sa mga dokumento na kailangang ipasa sa MIAA ng mga operator ay ang letter of intent para sa airport accreditation na naka addressed sa general manager, certificate at official receipt of registration ng sasakyan, sertipikasyon mula sa Department of Tourism, accreditation list of vehicles mula sa DOT, desisyon ng prangkisa mula sa LTFRB, DTI business registration, Mayors permit at ilang dokumento mula sa BIR.

Ang mga operator ay kinakailangan ring mag-sumite ng endorsement letter mula sa TNC na nagpapatunay na accredited sila ng kumpanya at nais nilang mag extend ng operasyon sa airport.

Nagtakda rin ng accreditation rate ang MIAA na katulad sa mga accredited na mga hotel back-up vehicles

Para sa mga Sedan, kailangan magbayad ng P2500 per annum, habang sa mga mas malalaking sasakyan gaya ng van at mini coaster ay P3000 ang bayad

Mayroon ring additional P500 kada taon kung mahigit sa isang terminal magpapa-accredit, samantalang P224 naman ang bayad sa sticker sa bawat terminal per year.

Bibigyan rin ng sticker ang mga accredited na sasakyan na nakasaad kung saang terminal sila pwedeng pumik-up ng pasahero.

Aminado ang MIAA na bagamat nagtakda ito ng mga requirement, hindi nila kayang tukuyin kung ang isang sasakyan ay Uber o Grab

Subalit ang ilang Uber at Grab operator, umaangal sa dami ng hinihinging requirements.

Nagbabala naman ang MIAA sa mga hindi accredited na TNC na maaaring ma-black list sa airport kapag nahuling nagsasakay ng pasahero sa airport. (Mon Jocson / UNTV News)

Tags: ,