Hindi ihihinto ng Estados Unidos ang routine military operations sa West Philippine Sea sa ilalim ng international law ayon kay Lt. Commander Tim Hawkins, ang public affairs officer ng bumibisitang aircraft carrier ng Amerika sa bansa, ang USS Carl Vinson.
Layon aniya ng kanilang pagpapagtrolya na mapanatili ang katatagan at seguridad maging ang malayang kalakalan sa rehiyon.
Noong nakaraang linggo ay nagpalipad ang Tsina ng kanilang SU-35 fighter jets na tinaguriang killer in the sky. Bahagi umano ito ng kanilang combat patrol missions sa South China Sea dahil umano sa provocation o pang-uulot ng Amerika.
Pero ayon kay Lt. Commander Hawkins, walang dapat ipangamba sa kanilang ginagawang operasyon sa karagatan.
Umani ng reaksyon ang pagbisita ng 35-year-old Nimitz-class supercarrier sa kasagsagan ng isyu ng pinag-aagawang Panatag Shoal at pagpapangalan ng China sa ilang undersea feature sa Philippine Rise.
Noong Sabado ipinasilip sa mga mamamahayag ang pasilidad ng naturang warship. Ipinakita ng U.S. Navy ang mga aircraft na kinabibilangan ng F18 Hornet jet fighter, assault helicopter at surveillance aircraft.
Noong Miyerkules ay nagtungo sa nasabing warship habang naglalayag sa West Philippine Sea sina Executive Secretary Salvador Medialdea at PCOO Sec. Martin Andar kasama si US Ambassador to the Philippine Sung Kim. Ngayon naman ang huling araw ng 4-day port visit ng USS Carl Vinson.
( Jun Soriao / UNTV Correspondent )
Tags: Tsina, U.S Routine Patrol, West Phil Sea