Typhoon Soudelor, tinaguriang pinakamalakas na bagyo sa mundo ngayong 2015, inaasahang papasok sa PAR ngayong Miyerkules – PAGASA

by dennis | August 4, 2015 (Tuesday) | 5439
Larawan ng Super Typhoon Soudelor na kuha mula sa Himawari-8 Satellite ng Japan, August 3, 2015. (Source: JMA/RAMMB/CIRA)
Larawan ng Super Typhoon Soudelor na kuha mula sa Himawari-8 Satellite ng Japan, August 3, 2015. (Source: JMA/RAMMB/CIRA)

Inaasahang papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Miyerkules ang tinaguriang pinakamalakas na bagyo ngayong 2015, ang Typhoon Soudelor, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa pinakahuling datos ng PAGASA nasa 210 kilometers per hour ang lakas ng hangin na taglay ng naturang bagyo at may pagbugso ito na 245 kilometers per hour.

Ayon sa PAGASA, maaari pa nitong higitan ang lakas ng bagyong Dodong na may lakas na 205 kilometers per hour na tumama sa bansa nitong nakaraang Mayo.

Bagaman hindi ito inaasahan na tatama ng kalupaan, maaari naman nitong mapaigting ang southwest monsoon o habagat na makakaapekto sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao.

Kapag tuluyang makapasok sa PAR ang Typhoon Soudelor, tatawagin itong bagyong Hanna.