Nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang mambabatas sa nangyaring pagbitay kahapon sa Overseas Filipino Worker na si Jakatia Pawa sa Kuwait.
Ayon kay Act-OFW Partylist Representative Anecito Bertiz, matagal na nilang isinusulong na mabusisi ang polisiya ng pamahalaan sa pagpapadala ng Household Service Workers sa Kuwait
Lalo’t marami na ang napapaulat na kaso ng pang-aabuso at pangma-maltrato sa mga OFW, lalo na sa mga kababaihan.
Isang resolusyon rin sa mababang kapulungan ng kongreso ang isinumite ng mambabatas upang imbestigahan ang mga kasong ito kasabay ng pagpapatupad ng moratorium o total ban sa pagpapadala ng household workers sa Kuwait.
Kinuwestyon rin ng mambabatas ang naging hakbang noong 2012 ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA Board na aprubahan ang tatlumpu’t dalawang bansa kabilang ang Kuwait na umano’y “compliant” sa polisiyang magbibigay ng proteksyon sa karapatan ng Household Service Workers.
Samantala, naniniwala naman si Muntinlupa City representative Ruffy Biazon na dapat bumuo ang pamahalaan ng isang special body na tututok sa mga kasong pang-aabuso sa mga OFW.
Aabot sa 250 thousand ang OFW’s na nasa Kuwait, 158 thousand dito ay namamasukan bilang Household Service Worker.
Samantala, tiniyak naman ni Labor Secretary Silvestre Bello the third na bibigyan nila ng ayuda ang mga naulilang anak ng binitay na OFW na si Pawa.
Siniguro rin ng kalihim na gumagawa na sila ng aksyon para matugunan ang pangangailangan ng mga ofw na nakararanas ng pang-aabuso.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)
Tags: isinusulong sa Lower House, Tuluyang pagpapatigil sa pagpapadala ng Pilipinas ng Household Service Workers sa Kuwait