METRO MANILA – Hindi pa makakapagbibigay ng eksaktong panahon ang national task force against covid-19 kung kailan tuluyang babawiin ang ipinatutupad na quarantine restrictions sa buong bansa.
“Mahirap pang maglagay ng time-table ngayon o timeline kung kelan natin i-lift yung restrictions..hindi pa malaking numero yung ating nabakunahan at hindi pa tayo makaka-acquire ng herd immunity,” ani DND / head, NTF vs COVID-19 Sec. Delfin Lorenzana.
Ayon kay National Task Force Head at Defense Secretary Delfin Lorenzana bagaman umabot na sa mahigit sa 12-M doses ang naibakuna na sa mga Pilipino.
Kakaunti pa rin ang bilang ng mga fully-vaccinated at malayo pa ang pilipinas sa target na herd immunity.
At kahit pa malaking hamon ang quarantine restriction sa pagbalanse sa kalusugan at ekonomiya, hindi basta papayag ang national government na makompromiso ang kaligtasan ng mga Pilipino.
“Lahat kami doon sa IATF gusto rin naming matanggal ‘yung restriction dahil nakikita naman natin ang paghihirap ng mga mamamayan kaya lang dapat tayo makinig sa mga eksperto, sa mga doktor mga expert ‘niyan” ani DND / head, NTF vs COVID-19 Sec. Delfin Lorenzana.
Sa datos ng national vaccine operations center umabot na sa higit 12-M Pilipino ang nabakunahan na subalit nasa 3-M palang dito ang fully vaccinated o katumbas palang ng 4% ng 70 Million target population.
“Hanggat hindi natin mabakunahan ‘yung maybe 50% of our population ay baka manatili ‘yung restriction hindi naman ‘sing grabe ‘nung ecq pero just still some restriction just to prevent the spread of the virus” ani DND / head, NTF vs COVID-19 Sec. Delfin Lorenzana.
Samantala ayon naman kay NTF Adviser Dr. Ted Herbosa, maaring matagalan pa ang pagluluwag ng protocols gaya na lamang sa pagsusuot ng face mask at face shield.
“Ang target ko na mag-advise na tanggalin natin ‘yung mask at saka face shield ay unabot tayo ng 50% ‘nung target population so mga between 40-50 Million, nasa 3 Million palang tayo, siguro mag-tiis muna tayo magsuot muna tayo ng mask, face shield, hugas ng kamay at umiwas sa mga matataong lugar” ani DND / head, NTF vs COVID-19 Sec. Delfin Lorenzana.
Ayon pa sa opisyal, kailangan paring ipatupad ang quarantine restrictions at health protocols dahil hindi parin nawawala ang banta covid-19, dagdag pa ang posibleng pagpasok ng mas nakakahawang delta variant.
Dapat rin aniyang maging handa ang pamahalaan sakaling makapasok sa bansa ang delta at maging ng variant of interest na lambda variant
(Marvin Calas | UNTV News)
Tags: Quarantine Restrictions