Tulong pinansyal, ipinamahagi sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng ECQ sa Visayas at Mindanao

by Erika Endraca | August 5, 2021 (Thursday) | 9299

METRO MANILA – Inumpisahan na ng Local Government Units (LGUs) Region VI ang pamimigay ng tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa mga residente na apektado ng Enhanced Community Quarantine, matapos lagyan ng pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Field Office VI.

Mahigit P2.6-B ang pondong nailabas ng DSWD FO VI upang matulungan ang halos 600,000 na pamilya sa lalawigan ng Iloilo kabilang na ang Iloilo City.

Ang mga indibidwal at pamilyang apektado ng localized ECQ sa bayan ng Anilao, Mina, Tubungan, Miag-ao, Pavia, Zarraga, New Lucena, Mina, Pototan, Maasin, Bingawan, Barotac Nuevo, at Dingle sa probinsya ng Iloilo ay nakatanggap na ng tulong pinansyal noong Hulyo 31.

Maglalabas ng pinal na listahan ang LGUs sa lalawigan para sa mga kwalipikadong makakatanggap sa kanilang mga nasasakupan.

Samantala, ang kwalipikadong benepisyaryo sa Cagayan de Oro City at Gingoog City nakatakda na makatanggpa ng tulong pinansyal matapos lagdaan ng DSWD Field Office X ang Memorandum of Agreement (MOA) noong Hulyo 31 kasama ng mga LGU.

Ipinahayag ni Undersecretary Felicisimo Budiongan na kinatawan ni Secretary Rolando Bautista, ang kanyang pasasalamat sa mga LGU sa pagtulong sa kagawaran upang maibigay ang kinakailangang tulong ng mga apektadong mamayan.

Samantala nasa P978.8-M ang pondong nailabas ng DSWD Field Office X para sa 191, 956 na pamilya mula Cgayan de Oro City at 53,000 pamilya mula Gingoog City sa Misamis Oriental.

Ang DSWD ay nakahandang matulungan ang bawat pamilya upang makayanan ang pang-ekonomiyang epekto ng pandemya.

(Zy Cabiles | La Verdad Correspondent)

Tags: , , ,