Tulong para sa mga lugar na maaapektuhan ng Typhoon Odette, naihanda na ng NDRRMC at iba pang ahensya ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | December 16, 2021 (Thursday) | 1054

METRO MANILA – Naglaan na ng tulong ang NDRRMC katuwang ang Local at Regional Disaster Council para sa inaasahang pananalasa ng bagyong Odette sa ilang rehiyon ng bansa.

Mahigit 331 million worth of food and non-food items ang naka-deploy na sa 7 rehiyon sa bansa na nakapailalim ngayon sa high-risk classification dahil sa banta ng bagyo.

Ito ay ang Mimaropa, Eastern, Western at Central Visayas Regions gayundin ang Northern Mindanao, Socksargen at Caraga Region.

Nakapagpadala na rin ang Office of the Civil Defense sa iba’t ibang rehyon ng non-food items gaya ng hygiene kits, malong, family packs, mga kumot at surgical mask.

Naka-standby na rin ang higit apat na libong deployable assets at resources ng NDRRMC para sa search, rescue and retrieval operations, emergency telecommunications at logistics.

Bukod pa rito may mga kani-kaniyang procured funds din ang mga lokal na pamahalaan at provincial government para sa food at non-food items kasama na rito ang mga gamot

Liban naman sa rescue units, may mga naka-deploy na rin na mga tauhan ng Department of Health partikular na sa mga evacuation center para masuri ang kalusugan ng evacuees.

Samantala, ayon sa NDRRMC, naka-preposition na ang mga local disaster teams sa mga lugar na madadaanan ng bagyong Odette partikular na sa bahagi ng Caraga Region.

Naka-alerto na rin ang lahat ng Regional Disaster Officials bente cuatro oras

Smantala, ilang mga lugar na rin ang nagsagawa ng pre-emptive evacuation lalo na sa mga coastal area, flood at landslide prone areas.

Muli namang nagpaalala ang NDRRMC sa publiko partikular sa mga madadaanan ng bagyong Odette na makinig at sumunod sa mga otoridad upang maiwasan ang anomang trahedya.

Nanawagan din ito sa kooperasyon ng mga maaapektuhan residente sa pagsunod sa minimum public health standards sa mga evacuation center.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: