Patuloy ang paghimok ni Philippine National Police Chief Police Director General Ronald Bato Dela Rosa sa publiko at sa lokal na pamahalaan ng tulong upang pigilan ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa.
Sa pagdiriwang ng 115th Anniversary ng Police Service na isinagawa sa Davao City kahapon, sinabi ni Gen. Dela Rosa na dahil sa pinaigting na kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga at krimen ay nagdoble kayod ang mga pulis upang maabot ang mga 3-6 months target ng pangulo.
Ayon sa pnp chief dahil sa kampanya kapansin pansin ang malaking pagbaba ng crime rate sa bansa.
Ngunit ayon kay Dela Rosa naguumpisa pa lang ang laban na ito.
Aniya may ilan paring pulis na tumatanggap ng drug money at may ilan pang politiko na sangkot dito.
Nakatatanggap rin umano siya ng ulat nang pagdukot ng drug lords sa ilang miyembro ng pamilya ng ilang tapat na opisyal.
Ayon sa heneral ngayon na ang tamang panahon upang sugpuin ang banta ng droga.
Samantala muli namang sinabi ni General Dela Rosa na hindi sila natatakot ni Pres. Rodrigo Duterte sa anomang banta sa kanilang buhay.
(Janice Ingente / UNTV Correspondent)
Tags: malaki ang magagawa, PDG Dela Rosa, Tulong ng publiko at LGU, upang magilan ang problema sa droga