Nanawagan ang pamunuan ng Philippine National Police sa publiko na tulungan sila sa pagbabantay ngayong panahon ng halalan.
Ayon kay PNP PIO Chief P/CSupt. Wilben Mayor, kailangan nila ang tulong ng publiko ngayong nagsimula na ang 45 day campaign period ng mga local candidates noong Sabado.
Gayunman, tiniyak ng heneral na naisaayos na ang ipatutupad na seguridad ngayong panahon ng halalan.
Ayon sa pamunuan ng PNP, hindi nila mababantayan ang galaw ng lahat ng 18,083 kandidato kung saan 16,376 sa mga ito ay tumatakbo sa iba’t-ibang local positions.
Sa kasalukuyan ay mayroon ng 58 recorded incidents simula noong Jan.10
Sa nasabing bilang apat pa lamang ang kumpirmadong may kinalaman sa halalan; nangyari ito sa Region 4A, Region 5 at dalawa sa Region 10.
21 naman ang suspected election related incidents at patuloy na isinasailam sa imbestigasyon kabilang ang pamamaril sa alkalde ng Calauan Laguna, habang 33 naman ang walang kinalaman sa halalan.
Nasa 76 na private armed groups din ang kanilang tinututukan ngayong 2016 na karamihan ay nasa Autonomous Region in Muslim Mindanao habang apat ang kanilang naaresto mula sa Masbate.
Mas mababa naman ang bilang na ito kumpara noong mga nagdaang eleksyon.
Kaya muling ipinaalala ng heneral sa mga regional director na isailalim sa assessment ang mga lugar na nasa kanilang nasasakupan at agad na itaas ang alerto upang madaling makapag deploy ng tao kung kinakailangan.
Panawagan ng PNP sa publiko, kung may mapapansinaniyang mga paglabag sa batas ngayong campaign period maaari itong ireport sa PNP Hotline na 09175475757 o 117.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)
Tags: pamunuan ng PNP