Tulong ng DSWD sa mga nasalanta ng bagyo, umabot na sa mahigit P208-M

by Erika Endraca | December 8, 2020 (Tuesday) | 4453

METRO MANILA – Umabot na sa P208-M na halaga ng relief supplies ang ibinahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo sa bansa.

Higit sa P5.4-M ang ibinigay sa mahigit 205, 000 pamilya sa CALABARZON, MIMAROPA, Region VI, at Region VII na naapektuhan ng Bagyong Quinta noong Oktubre. Samantalang mahigit sa P85.2-M ang halaga ng naitulong sa mga lugar na nasalanta ng Bagyong Rolly.

Mula sa halagang nabanggit, P64.2-M ang ipinagkaloob sa Bicol Region dahil sa lawak ng pinsala na dala ng bagyo sa mga lalawigan ng Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, at Albay.

Sa pinakahuling datos ng Kagawaran, mahigit P117.8-M ayuda na ang ibinigay upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga pamilyang apektado ng Bagyong Ulysses sa Regions I, II, III, CALABARZON, V, National Capital Region, at Cordillera Administrative Region.

Patuloy na binabantayan ng DSWD ang sitwasyon ng mga apektadong lokalidad para sa pagbibigay ng karagdagang tulong at pagbabantay sa supply ng mga relief goods sa mga regional warehouses nito.

(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)

Tags: ,