Aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na malaki ang magiging epekto sa ekonomiya ng bansa kung sakaling matuloy ang nais niyang deployment ban ng mga Overseas Filipino Worker sa Middle East.
Kaugnay ito ng maraming kaso ng pang-aabuso sa mga Filipino migrant worker sa rehiyon na nauuwi pa sa pagkasawi ng ilan sa mga ito. Ngunit ayon kay Pangulong Duterte, nais niyang tratuhin ng patas ng mga ibang lahi ang mga Pilipino.
Ayon pa kay Pangulong Duterte, hihilingin niya sa China na buksan ang pintuan nito sa ating mga OFW kung sakaling tuluyan nang ipatigil ang pagapapadala ng mga ito sa Middle East.
Noong nakaraang linggo, ipinag-utos na ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa Philippine Overseas Employment Administration ang pagsuspinde sa pagpoproseso ng Overseas Employment Certificates para sa deployment ng mga OFW sa Kuwait, ito ay habang iniimbestigahan pa ang pagkasawi ng pitong OFW sa bansa.
( Dianne Ventura / UNTV Correspondent )
Tags: China, OFW, Pres. Duterte