Ipinagtanggol ng mga konsehal ng local na pamahalaan ng lungsod ng Davao ang pagbibigay ng tulong na sako-sakong bigas sa mga nagugutom na magsasaka sa Kidapawan City.
Sa isang panayam, tinawag ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza na isang insulto sa kanyang pamumuno ang ginawang pag aabot ng tulong hindi lamang ng pamahalaan ng lungsod ng Davao kundi maging ng iba pang sektor ng lipunan.
Sagot naman dito ni Davao City Councilor Edgar Ibuyan.
“Kung politically motivated, meron po sanang nakasulat na Duterte, wala naming marka mam, 50 kilos nga lang ang nakalagay doon”
Paglilinaw naman ni Davao City District III Councilor Bernard Al-Ag, hindi galing sa lokal na pamahalaan ng Davao ang mga sako ng bigas kundi galing mismo sa mga mamamayan ng lungsod.
May panawagan naman si Davao City Councilor Diosdado Mahipus sa lokal na pamahalaan ng North Cotabato.
“Instead of harping accusations against us, i urge the leadership of Kidapawan and North Cotabato to do something, release your calamity funds, because this is intended for the people in terms of calamity.”
Sa isang facebook post ipinahayag naman ni dating Mayor Sara Duterte na kultura ng mga Dabawenyo ang tumulong sa tuwing may nasasalanta ng kalamidad tulad ng Ondoy, Yolanda, Sendong, Nona, at Pablo.
Dagdag ng dating alkalde, ang pagtulong na ito ng mga mamamayan ng Davao sa mga magsasaka sa North Cotabato ay bahagi lamang ng naturang kultura.
(Joeie Domingo/UNTV NEWS)
Tags: dating Mayor Sara Duterte, Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza, Kidapawan City