TUCP, duda kung saan kukunin ng pamahalaan ang subsidiya sa mga maapektuhan ng reporma sa pagbubuwis

by Radyo La Verdad | January 9, 2018 (Tuesday) | 4213

Muling nagpahayag ng pagkabahala ang sektor ng manggagawa sa pagsisimula ng implementasyon ng 1st package ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.

Ayon sa Trade Union Congress of the Philippines, kwestyonable pa ngayon kung saan kukunin ng pamahalaan ang ipantutulong nito sa mga sektor  na tiyak na maapektuhan ng bagong sistema ng pagbubuwis.

Nasa 16- million aniyang informal sector workers ang tiyak na tatamaan sa kanilang hanay sa implementasyon ng reporma sa pagbubuwis.

Sa pag-aaral naman ng Ibon Foundation, ang pinakamahihirap na pamilya na nasa 60 percent ng kabuuang populasyon ng pilipinas ang ilan sa maapektuhan ng TRAIN Law.

Ngunit tiniyak ni Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III, sa press briefing sa Malacañang kahapon na mayroon nang nakalaang ayuda ang pamahalaan para sa mga maapektuhan ng TRAIN Law.

Ayon kay Sec. Dominguez, 2,400 pesos ang taunang cash assistance na ipagkakaloob sa tinaguriang poorest of the poor sa unang bahagi ng 2018.

3,600 pesos naman ang ibibigay na taunang cash transfer sa bawat mahirap na pamilya sa 2019 at 2020.

Ibabase ang bibigyan ng ayuda sa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

25.7 billion pesos aniya ng mahigit 137 billion pesos na pondo ng kagawaran ang nakalaan para Cash Transfer Program.

 

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

Tags: , ,