Trust rating ni Pangulong Duterte, bumaba ng 8 puntos ngunit nananatili sa “very good” category – SWS survey

by Radyo La Verdad | September 10, 2018 (Monday) | 5142

Nagpasalamat ang Malacañang sa tiwala na patuloy na ibinibigay ng sambayanang Pilipino kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos na lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) na nasa 57 % ang net trust rating ng Pangulo para sa ikalawang quarter ng 2018.

Mas mababa ito ng walong puntos sa 65% na net trust rating ng punong ehekutibo noong unang quarter ng taon, ngunit nasa kategoryang “very good” pa rin ito.

Batay sa survey na inilabas noong Biyernes, 70% ng mga Pilipino ang lubos na nagtitiwala sa Pangulo, 13% ang may kaunting tiwala habang anim na porsyento naman ang undecided.

Ginawa ang survey mula ika-27 hanggang ika-27 ng Hunyo 2018 sa pamamagitan ng panayam sa 1,200 respondents sa buong bansa.

Ngunit ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, sa kabila ng mga ratings ay nananatili pa rin ang Pangulo na nakatutok sa kanyang trabaho.

Marami pa aniyang mga dapat gawin lalo na sa pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap at nagugutom na mga pamilya.

Kaya naman nagdo-double time ngayon ang Duterte administration upang matulungan ang mga apektado ng mataas na presyo ng mga bilihin habang pinapanatiling matatag ang ekonomiya.

Una na ring binabanggit ni Pangulong Duterte na wala siyang pakialam sa resulta ng kahit anong survey o hindi niya iniitindi kung siya man ay unpopular para sa taumbayan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,