Trust rating ni Pangulong Duterte, bumaba ng 10 puntos – SWS survey

by Radyo La Verdad | April 27, 2018 (Friday) | 7976

Bumaba ng sampung puntos ang trust rating ni Pangulong Rodrigo Duterte batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Mula positive 75 percent o excellent rating noong Disyembre 2017, bumaba sa positive 65 percent o very good ang trust rating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa unang quarter ngayong taon.

Isinagawa ang survey noong March 23 hanggang 27 sa isang libo at dalawang daang tao sa buong bansa.

Bumaba ng lima hanggang anim na puntos ang trust rating ng pangulo sa Visayas at Mindanao pero nanatili pa rin ito sa excellent level. Bumaba rin ang rating ng presidente sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng Luzon.

Nagpapasalamat naman ang Malacañang dahil nanatili pa ring mataas ang tiwala ng publiko kay Pangulong Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, pinapahalagahan nila ang pulso ng publiko lalo na’t hindi tumitigil ang mga kritisismo at pagtuligsa sa administrasyon.

Magpapatuloy din aniya ang mga polisiya ng administrasyon, kabilang na ang anti-drug campaign upang maabot ang drug-free na bansa at pagsulong ng ekonomiya upang magkaroon ng kumportableng pamumuhay ang lahat.

Iba-iba naman ang dahilan ng ating mga kababayan kung bakit sa tingin nila ay nananatili pa ring marami ang nagtitiwala kay Pangulong Duterte.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,