Truckers at customs brokers magsasagawa ng truck holiday bilang protesta laban sa Terminal Appointment Booking System o TABS

by Radyo La Verdad | February 29, 2016 (Monday) | 3474

MACY_TABS
Mariing tinututulan ng iba’t-ibang grupo ng truckers at customs brokers ang Terminal Appointment Booking System o TABS dahil mga problemang kinakaharap nito.

Ang TABS ay ang bagong booking system ng mga truck sa pantalan.

Online na makakapagpa-book dito kung kaya’t hindi na kinakailangang makipagsisiksikan ng mga truck sa pantalan bago makapagpa-book.

Ayon sa truckers at customs brokers, pabigat lang anya ito sa kanilang mga hanapbuhay dahil sa illegal charges at penalties na kinokolekta ng TABS.

Bukod dito ay naaantala din ang delivery ng mga kargamento sa pantalan dahil sa palpak umano ang booking system ng TABS.

Panloloko lamang anya ito ni Cabinet Sec. Rene Almendras para kumita ng pera.

Bilang protesta, mula sa March 7 ay isang linggong hindi magdedeliver ng mga produkto ang mga truckers at custom brokers mula sa Manila International Container Terminal.

Samantala, ayon naman kay Commisioner Bert Lina, layunin ng TABS na magkaroon ng kaayusan at disiplina sa mga pantalan.

Sa ngayon aniya, hindi pa perpekto ang TABS dahil sinisimulan pa lang ito, subalit makikita naman ang magandang epekto nito sa kalaunan.

Mas marami pa rin anyang truckers ang pabor sa TABS pero nanawagan pa rin ito sa naturang grupo ng truckers na huwag ituloy ang planong truck holiday.

Subalit nagmatigas naman ang mga truckers at custom brokers na negosyo at hindi tulong sa pagsasaayos ng port congestion ang TABS.

Hindi anya totoo na tuluyan ng mawawala ang port congestion kundi mas mapapalala pa nito ang congestion sa MICT.

Simula sa May 11 ay sisimulan na ang full implementation ng TABS sa Manila International Container Terminal at lahat ng mga truck na hindi naipa-book ay hindi makakalabas at makakapasok sa naturang pantalan.

(Macky Libradilla / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,