Itinanggi ng Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines ang napabalitang pinull-out na umano ang tropang Amerikano sa Zamboanga City.
Ang mga ito ay kasalukuyang nakabase sa loob ng AFP WestMinCom headquarters na siya ring dating kampo ng mga us military sa ilalim ng Joint Special Operations Task Force-Philippines o JSOTF-P na nagtapos noong February 2015.
Ayon sa tagapagsalita ni WestMinCom na si Maj. Filemon tan jr., ilang kagamitan lamang ng mga ito ang inalis para sa maintenance.
Tumanggi na itong magbigay ng iba pang detalye.
Noong nakaraang linggo ay namataan na may lumapag na US C-17 transport aircraft sa Zamboanga City Airport na nagkarga ng ilang military equipment na siyang pinagsimulan ng isyu.
Samantala, bagamat aminado na malaki ang tulong ng tropang Amerikano sa Zamboanga City, partikular na ng tangkain itong kubkubin ng Moro National Liberation Front noong 2013, tiniyak ng Zamboanga City Government na buo ang magiging pagsunod nila kung ano man ang magiging direktiba ng pangulo.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na nais niyang paalisin ang US Special Forces sa Mindanao dahil posibleng madamay ang mga ito sa all out war ng pamahalaan laban sa bandidong Abu Sayyaf.
(Dante Amento / UNTV Correspondent)