Binawi na ng Korte Suprema ang TRO na pumipigil sa LTO na i-release ang nasa pitong daang libong plaka ng mga sasakyan at motorsiklo.
Inilabas ang TRO noong June 2016 dahil sa petisyon ng grupo ni dating Abakada Partylist Congressman Jonathan Dela Cruz laban sa implementasyon ng Motor Vehicle License Plate Standardization Program.
Mali raw na pinambili ng mga plaka ang pondong nakalaan para sa driver’s license at pagrerehistro ng mga sasakyan. Pero dinismisng SC ang petisyon sabay bawi sa kanilang TRO.
Paliwanag ng korte, kasama sa budget ng pamahalaan noong 2014 ang 3.8 billion pesos na pondo para sa naturang programa.
Ayon pa sa korte, dati na nilang nadesisyonan ang isyu sa paggamit ng pondo nito sa isang hiwalay na kaso noong April 2015.
Susubukan naman ng abogado ng mga petitioner na himukin ang mga mahistrado na baguhin ang desisyon.
Ikinatuwa naman ito ng mga matagal ng naghihintay na makuha ang plaka ng kanilang mga sasakyan.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: Korte Suprema, plaka, TRO