Walang legal effect ang temporary restraining order (TRO) na ipinalabas ng Court of Appeals laban sa 6 month preventive suspension ng Ombudsman na ipinataw nito kay Makati Mayor Junjun Binay.
Batay ito sa apat na pahinang legal opinion ni Justice Secretary Leila de Lima. Ayon kay de Lima, maaaring ituloy ni Makati Vice Mayor Romulo “Kid” Peña ang kanyang tungkulin bilang acting mayor dahil hindi ito sakop ng 60 day restraining order ng CA.
Naglabas ng legal opinion ang Secretary of Justice dahil sa hiling ni Department of the Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na linawin ang naturang isyu.
Ipinaliwanag ni de Lima na ang suspension order ng Ombudsman ay ipinatupad bandang 8:24am, Marso 16, sa pamamagitan ng pagpaskil ng kopya ng order sa entrance ng Makati City Hall. Kasunod nito ang panunumpa ni Peña bilang acting mayor.
Ilang oras ang nakalilipas ay naglabas ng TRO ang CA laban sa suspension order at tinanggap ng DILG ang kopya ng desisyon ng CA bandang 3:09 p.m.
Nauna nang nanindigan si Ombudsman Conchita Carpio Morales na epektibo ang suspension order kay Binay at “moot and academic” na ang desisyong ipinalabas ng appellate court.
Tags: Department of Justice, DILG, Junjun Binay, Leila De Lima, Mar Roxas, Ombudsman, Romulo Peña Jr