Trillanes sa kasong inihain ng PNP-CIDG: “Harassment case at persecution ni Pang. Duterte sa kanyang mga kritiko”

by Radyo La Verdad | August 31, 2019 (Saturday) | 9901

Kasong kidnapping at serious illegal detention ang inihain ng Philippine National Police sa Department of Justice laban kay dating Senador Antonio Trillanes IV, Attorney Jude Sabio, Sister Ling at Father Albert Alejo.

Si Sabio ang abogado na naghain ng communication laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court o ICC hinggil sa drug war.

Ang inihaing kaso ng PNP-CIDG ay hinggil sa reklamo ng businesswoman na si Guillermina Lalic Barrido, kwarentay tres anyos, mula sa Davao City na nakulong ng halos 2 linggo sa isang kumbeto sa lungsod ng Quezon noong huling bahagi ng 2016.

Noong 2017, lumutang si Barrido para ituro si Trillanes, isa sa mga staunch critic ng administrasyong Duterte, na nag-alok umano ng suhol sa kanya para siraan ang Pangulo.

Ayon sa PNP-CIDG, malinaw na intention ng mga akusado na ikulong si Barrido para pwersahin siyang gawin ang bagay na labag sa kanyang kalooban.

Dumipensa naman kaagad si Trillanes ukol dito at tinawag na harassment case at persecution ito ni Duterte laban sa kanyang mga kritiko.

Mariing itinanggi nito na nagkita sila ni Barrido at kinuwestiyon din ang pahayag nito na sa kumbento siya ikinulong.

Ayon pa kay Trillanes, nanghihingi ng pera si Barrido kapalit ng salaysay pero hindi siya tinanggap bilang testigo laban kay Duterte.

Ito naman ang sinabi ni former Sen. Antonio Trillanes IV sa isang text message, “Ito na naman ay maliwanag na harassment case at persecution ni Duterte laban sa kanyang mga kritiko. Never ko na meet yan si Guillerma Arcillas or Barrido. Saan ka makakita na pari at madre daw ang kasama ko sa pagkidnap at sa kumbento pa daw sya dinetain.”

Ayon pa kay Trillanes, “Bukod pa dyan, 2016 pa raw sya kinidnap pero ngayon lang nag-file ng kaso. Ang impormasyon ko dyan ay isa siyang nagboluntaryong mag testigo laban daw kay Duterte pero butas butas ang kwento at nanghihingi ‘di umano ng pera kapalit ng kanyang salaysay kaya hindi tinanggap bilang testigo. Tapos nang hindi nabigyan ng pera,bumaliktad.”

(April Cenedoza | UNTV News)

Tags: ,