Handang tumestigo ang ilang tribal leaders ng Mindanao sakaling maghain ng kaso ang Philippine National Police (PNP) laban kina dating Bayan Muna Partylist Representative Satur Ocampo, ACT Teachers Partylist Representative France Castro at labing anim pang kasamahan ng mga ito. Ito ang pahayag ni Lipatuan Joel Unad, ang chairman ng Mindanao Indigenous Peoples Council of Elders and Leaders.
Para sa kanila, seryoso ang naging paglabag ng grupo ng dating mambabatas sa pagsama sa labing-apat na mga katutubong menor de edad nang walang pahintulot ng mga magulang.
Sinampahan ng reklamo sina Ocampo pero pinayagan itong magpiyansa ng korte. Una nang sinabi nina Ocampo na sinagip nila ang mga batang katutubo matapos ipasara ang Salugpungan schools o ang paaralan ng mga Lumad, bagay na itinanggi naman ng Department of Education (DepEd).
Sa isang resolusyon na pirmado ng mga lider na katutubo, inirerekomenda ng mga ito na tuluyan nang ipasara ang lahat ng Salugpongan schools na ginagamit umano sa recruitment ng New People’s Army (NPA).
Tinuturuan din umano ang mga katutubo ng bastardized version ng lupang hinirang. Tinuturuan din umano ang mga mag-aaral doon kung paano kumalas ng baril at lumaban sa mga sundalo.
Kasabay ng panawagan kay Pangulong Duterte, ang banta ni Unad na magdedeklara sila ng tribal war laban sa CPP-NPA.
Samantala, nanindigan ang AFP na may kaugnay sa NPA sina Ocampo at Castro.
Ayon sa AFP, nakipag-ugnayan na sila sa DepEd at iimbestigahan na ang mga nagbigay ng permit sa mga Lumad school upang mapanagot ang mga ito.
( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )
Tags: Mindanao, NPA, Satur Ocampo