Travel restrictions sa mga bansang may kaso ng Omicron XE, hindi inirerekomenda ng mga negosyante                                                            

by Radyo La Verdad | April 7, 2022 (Thursday) | 7969

Bagaman naitala na sa bansang Thailand at United Kingdom ang bagong Covid-19 Omicron XE variant na umano’y sampung beses na mas nakakahawawa kaysa sa mga naunang  variants.

Para kay Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion, hindi kinakailangan na magpatupad ng mas mahigpit na travel restrictions ang Pilipinas sa mga bansang mayroon nang kaso nito.

“I don’t think there is a need for that. Tingin ko naman, if you’re fully vaccinated and boosted. You cannot prevent these variants from coming in, best we can do is prepare for it,” ani Sec. Joey Concepcion, Presidential Adviser for Entrepreneurship.

Ayon kay Concepcion marami na sa mga Pilipino ang nabakunahan laban sa Covid, kaya’t mayroon na tayo ng tinatawag na wall of immunity.

Sakaling mahawa man ang isang bakunado, sinabi ni Concepcion na mild cases na lamang ito at hindi na nangangailangan pa ng hospitalization.

“What we are watching for is baka mapuno ulit ang mga ospital natin. Pero kung mataas ang vaccination rate natin dito sa bansa especially iyong boosters then the wall of immunity will not break down,” dagdag ni Sec. Joey Concepcion.

Ayon naman sa Malakanyang sa ngayon ay patuloy pang binabantayan ng mga eksperto ang karakter ng bagong variant.

Muli rin siyang nagpaalala sa publiko na palagi pa rin sumunod sa mga health protocols, lalo na at maraming ang inaasahang magbabakasyon ngayong long holiday.

“Patuloy ang ginagawang pag-aaral sa XE bilang isang variant. Ang mahalaga ay sumunod sa minimum public health standards, mag-mask, hugas, iwas at mag-pabakuna,” pahayag ni Sec. Martin Andanar, Acting Presidential Spokesperson, PCOO.

Upang mas maprotektahan ang ating mga kababayan muling binigyang diin ni Concepcion ang kahalagahan ng pagpapabakuna ng booster dose.

Iminumungkahi nito pagsamahin na sa iisang vaccination card ang primary series at booster dose kung saan palalawakin ang depenisyon ng fully vaccinated.

Gayunman ipinauubaya na niya ang pinal na desisyon sa Department of Health.

Sa ngayon hinihintay pa ng Inter Agency Task Force ang matibay na rekomendasyon kaugnay sa posibleng paglalagay ng expiration date sa vaccination cards.

Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na kasalukuyan nang pinag-aaralan ng National Immunization Technical Working Group at iba pang expert panels ang ideyang ito.

Samantala, nais rin ni Concepcion na magkaroon ng deadline sa pagpapabakuna ng booster dose  upang hindi masayang ang halos 27 million Covid-19 vaccines na sinasabing mage-expire sa darating na Hulyo.

Aileen Cerrudo | UNTV News

Tags: , ,