Transportasyon ng mga baboy na dadalhin sa Metro Manila, sasagutin ng DA

by Erika Endraca | February 4, 2021 (Thursday) | 2044

METRO MANILA – Bibigyan pa ng pataan ng Depertment of Agriculture ang mga trader at retailer o vendor para idispatsa ang imbak nila ng baboy na nakuha sa mataas na halaga.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista, sa February 8 na nila ipatutupad ang price freeze sa Metro Manila na nilagdaan ni Pangulong Duterte nito lamang Lunes base narin sa kanilang rekomendasyon.

Sa ngayon ay may bahagya nang pagbaba sa presyo ng karneng baboy kumpara sa mahigit sa P400 kada kilo na kilo nito noong mga nakaraang linggo.

Batay naman sa itinakdang price ceiling, hindi dapat lumagpas sa P270 sa kada kilo ng pigue at P300 namang sa liempo habang ang sa manok naman ay P160 kada kilo.

Para mas bumaba pa ang presyo, ang DA ang ang bahala sa gastos sa transportasyon sa mga baboy na dadalhin sa Metro Manila.

Isa sa sinasabing dahilan ng pagtaas ng presyo ng baboy ay ang gastos sa transportasyon dahil nga nanggagaling pa ang iba dito sa visayas at mindanao.

Ayon kay Asec Evangelista, gagamitin nila ang barko at mga sasakyang pandagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para i-byahe ang mga baboy papunta dito sa Metro Manila.

Nakikipag-ugnayan na rin ang da sa iba pang ahensya ng pamaharaan para magamit ang iba pang resources ng mga ito.

Ayon naman sa Presidente ng Laban Konsyumer na si Atty Vic Dimagiba, kung makikisabay din sa kanilang panawagang pork holiday ang mga vendor o retailer ng baboy ay lalong mapipilitang ibaba ang presyo nito.

Nakatakda namang mag-ikot sa mga palengke ang mga opisyal ng da sa February 8 kasama ang mga tauhan ng Dept. of trade and industry at maging ang ilang mga mambabatas para tignan kung susunod ang meat vendors sa price ceiling.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,