Transport Operators, hiniling na ipasa na ang panukalang Fair at Reasonable PUJ Modernization Program

by Erika Endraca | September 27, 2019 (Friday) | 3150

MANILA, Philippines – Hinihiling ng mga Transport Operator sa Kongreso na maisabatas na ang Fair and Reasonable Public Utility Jeepney (PUJ) Modernization Program.

Giit nila, hindi umano patas at hindi makatarungan na bigla na lang silang babawian ng prangkisa sa July 2020 dahil sa PUV Modernization Program.

Bagaman hindi sila tutol sa Modernization Program ng gobyerno, hindi naman kaya ng kanilang bulsa ang presyo ng mga Modernized Jeepney na ayon sa kanila ay nagkakahalaga ng nasa 2.6 to 2.9 Million Pesos bawat unit.

Kaya naman nananawagan ang mga ito sa pamahalaan na sana ay suportahan ang House Bill 4823 o ang Fair and Reasonable PUJ Modernization.

Sa ilalim ng naturang bill, hindi na kailangang isurrender pa ng mga operators ang kanilang prangkisa,  P500,000 ang ibibigay ng gobyerno bilang ayuda kapag sinurrender nila ang kanilang mga lumang jeepney at posible rin maka-avail ang isang indibidwal na operator o driver sa programa.

“Yung terms is monthly kung 1 Million ang ilo loan nila ng 10 years, 10,500 ang babayaran monthly ng tsuper. Sa kanila po ang 10,500 monthly for 10 years ay kayang kaya po nila yun.” ani Diwa Partylist Representative Michale Edgar Aglipay.

Upang lalo pang maipabatid ang kanilang hinaing, itutuloy naman ng mga Transport Group ang tigil pasada sa Lunes sa buong bansa. Maliban sa mga jeepney operators at drivers, kasali na rin sa protesta ang mga UV express operators.

Ayon sa mga transport groups, nasa 97% umano ng operators at drivers sa buong bansa ang makikiisa dito. Humihingi naman ng paumanhin sa publiko ang mga transport groups sa magiging abalang mangyayari. Nais lamang umano nilang maiparating sa Pangulo at maaksyunan agad ang kanilang hinaing alang alang din sa kanilang mga kabuhayan at pamilya.

(Vincent Arboleda | UNTV News)

Tags: ,