Transport groups sa NCR, pipigilang mamasada ang mga myembrong driver na hindi bakunado

by Radyo La Verdad | January 14, 2022 (Friday) | 14268

Nakahanda ang mga transport group na sumunod sa bagong polisya ng Department of Transportation na nagbabawal sa mga kababayan na sumakay sa mga pampublikong transportation  sa Metro Manila kapag hindi pa fully vaccinated kontra Covid-19, kaya naman hindi na rin muna nila papayagan ang kanilang mga jeepney driver na mamasada kung hindi pa sila bakunado.

Ayon sa presidente ng pasang masda na si Obet Martin, mula sa mahigit 2000 operator at jeepney driver na kanilang miyembro, may ilang pa rin ang hindi pa nagpapabakuna laban sa Covid-19.

“May penalty yan eh hindi namin pinalalabas, bawal yun. Sapagka’t tayo’y nagiimplement, kailangan tayong implementor as driver ay kailangang tayo’y bakunado, ngayon kung hindi ka naman bakunado huwag kang lumabas”, ani Roberto “Ka Obet” Martin,

National President, Pasang Masda.

At para matiyak na fully vaccinated na ang mga driver, pinapayuhan sila na isabit na ang kanilang mga vaccination card para makita ng mga pasahero gayundin ang mga nakakasama nilang konduktor.

Maging ang Federation of Jeepney Operators and Drviers Association of the Philippines, hindi na muna papayagang mamasada ang driver na unvaccinated.

At dahil epektibo na sa Lunes ang no vaccination no ride policy ng DOTR, sa mga terminal pa lamang ay mahigpit nang iinspeksyunin ang vaccination card ng mga pasahero.

Pero exempted pa rin naman ang mga may medical conditions basta meron medical certificate gayundin ang iba pang kasama sa exemptions ng DOTR.

“Kami naman po handa namang sumunod kung ito po’y ikabubuti ng mga Pilipino lalong lalo na sa hanay ng transportasyon”, ayon kay Ricardo ‘Boy’ Rebaño, National President, FEJODAP.

Samantala para naman sa Pilipino Society and Development Advocates Commuter-consumer, nangangamba ang mga ito na magreresulta sa paglaganap ng mga colorum na sasakyan ang bagong patakaran ng DOTR.

Giit nila posibeleng pagmulan ng hawaan kung sa colorum sasakay ang ang commutter lalo’t hindi sila nare-regulate ng pamahalaan.

“Baka doon sa colorum magkaroon ng pagkalat o kaya outbreak itong disease sapagka’t hindi naman ho namomonitor ng pamahalaan yan, hindi rin sila nagsasagawa ng mga IATF health protocols so papaano ho nila masisigurado na ‘yung mga commuters natin na binibiktima nila araw-araw eh unvaccinated or vaccinated”, pahayag ni Richard Rivera,

National President, PASADA CC.

Sa opisyal na pahayag ng DOTR kahapon, (Jan. 13), muling iginiit nito na nais lamang ng pamahalaan na protektahan ang mas nakakararami, mapabakunado man o hindi.

Ayaw na rin ng DOTR na muling humantong sa tuluyang pagsasara ng public transportation sakaling magtuloy-tuloy pa ang pagdami ng Covid-19 cases sa Metro Manila.

JP Nuñez | UNTV News

Tags: , , ,