Mariing pinabulaanan ng presidente ng transport group na Fejodap na bahagi ng umano’y Red October plot o pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte ang plano nilang nationwide transport strike.
Ayon kay Fejodap President Zeny Maranan, layon ng kanilang pagkilos na maipaabot lamang sa pamahalaan ang panawagan nilang aprubahan na ang hiling na dagdag pasahe.
Giit ng transport group, walang kaugnayan sa umano’y tangkang destabilisasyon laban sa Pangulo ang kanilang protesta.
Ayon sa transport group, halos wala ng kinikita ang mga jeepney driver dahil sa sobrang taas ng presyo ng mga produktong petrolyo at lumalalang trapiko.
Kinondena naman ng Department of Transportation (DOTr) ang planong tigil-pasada ng mga transport group.
Sa joint statement na inilabas kahapon ng DOTr at LTFRB, binantaan ng mga ito na tatanggalan ng prangkisa ang sinomang driver o operator na lalahok dito. Paliwanag ng DOTr at LTFRB, nauunawaan nila na isang mahalagang isyu sa sektor ng transportasyon at presyo ng langis.
Subalit iginiit ng nga ito na ipinagbabawal sa isang lehitimong franchise holder ang pakikiisa sa nga transport strike na nagdudulot ng perwisyo sa mga commuter.
Una nang sinabi ng LTFRB na kinakailangan nilang balansehin at pag-aralang mabuti ang petisyon hinggil sa kwatro pesos na dagdag pasahe sa mga jeep.
Ngayong araw isang public hearing ang isasagawa ng komite ni Senator Grace Poe, kung saan inaasahang tatalakayin ang isyu kaugnay ng PUV modernization, at usapin sa taas pasahe sa mga PUV.
Desido ang mga transport group na kung bigo pa rin ang pamahalaan na aprubahan ang kanilang hinihiling, itutuloy nila ang planong malawakang tigil-pasada at hindi nila iaanunsyo kung kailan ito gagawin upang mas maramdaman ang perwisyo sa mga commuter.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: FEJODAP, Red October plot, Zeny Maranan