METRO MANILA – Iginiit ng isang transport group na kahit pa nagkaroon na ng malakihang bawas presyo sa Diesel na ipinatupad simula kahapon (Nov. 14), kulang pa rin ito sa kanila kaya hindi pa rin dapat alisin ang P1 provisional fare na ipinatutupad sa mga pampasaherong jeep.
Naniniwala ang Pasang Masda na hindi pa dapat alisin ang provisional fare na inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong nakaraang buwan dahil hindi pa rin makasisiguro na talagang magtutuloy-tuloy na ang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Didinggin sana ng LTFRB kahapon (Nov. 14) ang P5 fare hike petition ng mga transport group
ngunit hindi ito natuloy dahil walang quorum ang board ng ahensya.
Bibigyan na lang umano sila ng panibagong schedule kung kailan isasagawa ang pagdinig sa kanilang hirit na dagdag pasahe.
Ayon sa mga driver ng jeep, malaking tulong na rin na naipatupad ang provisional fare para makabawi sila sa kita at maibsan ang gastos sa krudo.
Ang problema lamang, hindi naman anila lahat ng pasahero ay nagbabayad ng P1 dagdag pasahe.