Transparency sa pondo ng PhilHealth, hiniling kasabay ng pagpapatupad ng contribution hike simula ngayong araw

by Radyo La Verdad | June 1, 2022 (Wednesday) | 2764

METRO MANILA – Naniniwala ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na malaki ang magiging pakinabang sa mga empleyado kung regular silang nakakapaghulog ng kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Nilinaw ng TUCP na hindi sila tutol sa dagdag na kontribusyon na muling ipatutupad ng PhilHealth dahil makapagbibigay ito ng malaking benepisyo para sa mga manggagawa at kanilang dependents.

Ganito rin ang pananaw ng ilan sa mga contributor ng PhilHealth na inaasahan nang madadagdagan ang kaltas sa sahod bilang bayad sa monthly contribution sa PhilHealth ngayong buwan.

Paliwanag ng PhilHealth, ang dagdag kontribusyon ay nakasaad sa batas at hindi nakaayon sa sarili nilang kagustuhan.

Nangako ang state health insurer na kanilang ipatutupad ang mas pinalawak na benefit packages para sa mga lahat ng mga Pilipino na maaaring makinabang dito.

Simula ngayong araw (June 1), magiging P400 na ang babayarang kontribusyon ng mga mangagawa na sumasahod ng nasa P10,000 pababa kada buwan para sa premium package ng PhilHealth.

P400 hanggang P3,200 naman sa mga sumasahod ng higit P10,000 hanggang P79,99.

Habang nasa P3,200 naman sa mga sumasahod ng P80,000 pataas.

Batay ito sa nakasaad sa Universal Health Care Law, kung saan madaragdagan ng 0.5% kada taon ang babayarang kontribusyon hanggang sa maabot ang 5% increase hanggang sa taong 2024.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: