Pinagaaralan ngayon ng ilang mga bansa na ituring na lamang na isang endemic disease ang Covid-19. Ibig sabihin nito, ikokonsidera na lamang na pangkaraniwang sakit ang Covid gaya ng seasonal flu o trangkaso.
Sa mga bansa, tulad ng United Kingdom hindi na mandatory ang pagsususot ng facemask at hindi na rin requirement ang Covid-19 passport.
Niluwagan na rin ang travel restrictions sa mga fully vaccinated, at wala na ring mga bansa at teritoryo ang nakalagay sa kanilang red list countries.
Maging ang Denmark, aalisin na ang kanilang Covid-19 restrictions sa susunod na linggo.
Sa pananaw ng Octa research group, maaring ganito na rin ang direksyong tinatahak ng Pilipinas.
Naniniwala sila na maari na ring mag-transition sa endemic stage ang Pilipinas kung patuloy pang bababa ang mga kaso ng Covid sa bansa.
Paliwanag ng Octa research fellow na si Professor Guido David, bagaman may mga pag-aaral na nagsasabing magiging endemic ang Covid-19, mayroon pa rin ilan ang nagsasabi na hindi ito aplikable.
Pero para kay Professor David, may posibiliad na maaring ituring na lamang ng Pilipinas na isang ordinaryong sakit ang Covid-19.
Gayunman hindi pa rin aniya nawawala ang posibilidad na may sumulpot na naman na mga bagong variant ng covid.
“There are different perspectives and there are scientific studies that support both, pro-endemicity and studies that are saying there will be no endemicity in sight. We’ll just have to weigh these studies. I can’t comment on which ones are more correct than the other, those are just usually peer reviewed. So, what I can say is that there is definitely and uncertainty in the future. We can be more optimistic, we are being optimistic that this could be the end of the pandemic. I’m not saying that it is the end of the pandemic. I’m just expressing my optimism and hope that it could be the end of the pandemic,” pahayag ni Prof. Guido David, Fellow, Prof. Guido David, Fellow, Octa Research Group.
Sa ngayon patuloy ang pagbaba ng mga bagong kaso ng Covid-19 sa bansa, kabilang na ang national capital region.
Sa latest projection ng Octa, posibleng bumaba na lamang sa 1000 hanggang 500 ang maitatatalang daily Covid-19 cases sa Metro Manila ngayong Pebrero.
Bukod sa mataas na ang vaccination rate sa kapitolyo, namonitor rin ng octa na bumaba na ang healthcare utilization rate dito dahil hindi na malala ang mga kaso ng Covid-19.
Dagdag pa ng mga ito, nagsisimula na rin mag-peak Covid-19 cases sa mga probinsya kaya naman inaasahan na rin ang pagbaba ng mga kaso sa mga susunod na araw.
Paalala naman ng mga eksperto, ang pagbaba ng kaso at ng alert level restriction sa ilang lugar ay hindi sapat na dahilan upang hindi na sumunod ang publiko sa minimum health standard.
Mahalaga anila na mapanatili ang pagiingat ng publiko at ang pagpapabakuna ng lahat upang maiwasan na muli na naman dumami ang mga kaso ng mga nagkakasakit na maaring magresulta sa pagpapanumbalik ng mahigpit na restrictions.
Aileen Cerrudo | UNTV News
Tags: Covid-19, Endemic, Guido David, Octa Research Group