METRO MANILA – Malugod na tinanggap ng United Kingdom ang pag-uusap patungol sa Transfer of Sentenced Persons Agreement ng Pilipinas sa isinagawang consular dialogue nitong February 16,2022.
Layon ng pag-uusap na mapatibay pa ang relasyon ng 2 bansa at mabigyan ng pinakamaayos na assistance ang bawat Pilipino na nasa UK at British Nationals na nasa Pilipinas.
Parehong pinag-usapan ng 2 bansa ang mga pananaw at mga punto tungkol sa mga usaping makakaapekto sa kanilang mga kababayan partikular sa mga passport at civil registry.
Isa sa mga haligi ng Enhanced Partnership ng 2 bansa ang pagkakaroon ng ganitong pakikipagdayalogo kung saan pinag-uusapan ang mga isyu tungkol sa politika, ekonomiya, klima at tanggulang pambansa.
Matatandaang opisyal na inilunsad ang Enhanced Partnership sa London noong nakaraang Nobyembre nina Secretary Teodoro Locsin at UK Foreign Secretary Elizabeth Truss bilang pagdiriwang sa ika-75 taong diplomatikong pakikipag-ugnayan ng 2 bansa.
(Daniel Dequiña | La Verdad Correspondent)