Nababahala ang DILG sa ulat na madalas na pagkakasangkot ng mga Police Non Commissioned Officer o PNCO sa katiwalian. Ang mga PNCO ay mga pulis na nakapagtapos ng apat na taong kursong criminilogy na may ranggong PO1 hanggang SPO4.
Ayon kay DILG OIC Usec. Catalino Cuy, nais sana nilang maibalik sa Philippine National Police Academy ang training sa mga nagnanais maging pulis. Kaugnay nito bubusisiin ng DILG ang proseso ng training dahil posibleng dito nagsisimula na maimpluwensyahan ng katiwaliaan ng mga bagitong pulis.
Noong nakaraang linggo lamang, hindi bababa sa sampung pulis na sangkot sa katiwalian ang naaresto ng PNP Counter Intelligence Task Force o CITF, simula nang matatag ang CITF ngayong taon, 57 na pulis na ang kanilang naaresto at mahigit isang libong pulis naman ang kasalukuyang iniimbistigahan dahil sa sari-saring paglabag.
Pinakaraming reklamo ay sa mga pulis na nagsisilbing protektor ng iligal na gawain, may kaugnayan sa iligal na droga at extortion o panongotong. Ayon sa CITF, may mga pulis na kinakasangkapan ang war on drugs campaign upang kumita ng pera.
Sa mga sumbong at reklamo sa mga tiwaling pulis, maaaring magtext sa CITF hotline number 0998-970-2286.
Tags: DILG, Non-Commissioned Officer, pulis