TRAIN Law, isa sa mga dahilan ng pagbaba ng kumpiyansa ng mga negosyante sa bansa — BSP

by Admin | March 2, 2018 (Friday) | 17992

Bumaba ng ilang porsyento ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa bansa.

Sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), 39.5% ang naitalang business confidence rate ng Pilipinas mula Enero hanggang Pebrero. Mababa ng ilang puntos kung ikukumpara sa 4th quarter ng taong 2017.

Ibig sabihin sa 1,500 kumpanya na tinanong, 43.3% ang nasabing tiwala sila na magnegosyo sa bansa noong Oktubre hanggang Nobyembre ng nakaraang taon pero kumonti  ito sa unang bahagi ng 2018 .

Ayon sa BSP, ilan sa mga posibleng dahilan nito ay pagbagal ng aktibidad sa negosyo, pagbaba ng gastos ng mga mamimili pagkatapos ng holiday season, pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo  dahil sa dikta ng international market at ang dagdag  na buwis sa petrolyo  dahil sa pagpapatupad ng TRAIN Law. Pero paliwanag ng BSP ay pansamantala lamang ito.

Maaga pa para sabihing bahagi ito ng paghina ng ekonomiya ng Pilipinas dahil sa mga susunod na buwan pa umano tunay na mararamdaman ang epekto ng TRAIN Law ayon sa isang ekonomista.

Sa kabila nito, inaasahang naman ng BSP na tataas ang business confidence sa 47.8% sa susunod na quarter dahil sa  pagtaas ng demand ngayong tag-init at ang epekto naman sa mga nakikinabang sa TRAIN Law.

Gayun din ang pag gastos ng pamahalaan sa mga infrastructure projects sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ program.

 

(Mai Bermudez/UNTV Correspondent)

Tags: , ,