Traditional na kulay dilaw, hindi ginamit sa 32nd Edsa People Power anniversary celebration

by Radyo La Verdad | February 26, 2018 (Monday) | 4383

Taliwas sa nakasanayang kulay dilaw na makikita tuwing ipinagdiriwang ang Edsa People Power Revolution, kulay asul, puti at pula ang nagbigay kulay sa ika-tatlumpu’t dalawang anibersaryo ng Edsa People Revolution kahapon sa People Power Monument.

Ayon sa National Historical Commission of the Philippines, sinadya nilang ibahin ang motiff ngayong taon. 2.5 million pesos ang inilaang budget ngayong taon ng pamahalaan para sa aniya’y simple ngunit makabuluhang pagdiriwang. Nanawagan rin ang NHCP na maging mapanuri sa fake news at huwag kalimutan ang diwa ng Edsa People Power.

Samantala, binigyan naman ng People’s Power Heroes Award si dating Pangulong Fidel V. Ramos dahil sa kontribusyon nya noong 1986 Edsa Revolution. Binigyang parangal rin ang security guard sa Davao City na si Melvin Gaa na namatay matapos ang pagliligtas sa marami sa nangyaring sunog sa isang mall sa Davao City noong Disyembre.

Ang mga pulis na sina Captain Michael Aristores dahil sa mahalagang ginampanan nya sa giyera sa Marawi at si PO3 Christopher Lalan, isa sa mga nakaligtas sa pagtugis sa terorsitang si Zulkifli Abdhir alyas Marwan na ikinasawi ng 44 na miyembro ng Special Action Force.

Samantala, hindi na nagtungo si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdiriwang ng ika-32 paggunita sa People Power Revolution at nanatili ito sa kaniyang hometown sa Davao City.

Subalit sa kaniyang mensahe, nanawagan ito ng ibayo pang pagsusulong ng demokrasya sa bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas sa mga mamamayang Pilipino, pangangalaga sa karapatan at pagpapatatag sa mga institusyong nagtataguyod ng ating kalayaan.

Dagdag pa ng punong ehekutibo, ang rebolusyon ng Edsa ang nagsilbing sagisag ng paninindigang ipaglaban ang tama.

Ito ang ikalawang pagkakataon na ginunita ang People Power Revolution sa ilalim ng Duterte administration at ito rin ang ikalawang pagkakataon na hindi dumalo ang Pangulo sa anniversary celebration.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,