Tuloy-tuloy pa rin ang pagdating ng mga foreign tourist sa bansa sa nakalipas na siyam na buwan.
Base sa datos ng Statistics, Economic Analysis and Information Management Division ng Department of Tourism (DOT), mahigit limang milyong foreign visitors ang dumating sa bansa mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon. Lumago ng 9.65% o karagdagang 466,921 kumpara sa kaparehong mga buwan noong nakaaraang taon.
Sa nakalipas lamang na buwan ng Setyembre, 71,307 ang mga banyagang bumisita sa bansa. Nangangahulugan ito ng 5.07% growth rate kumpara noong Setyembre 2017.
Ayon naman sa ilang turistang nagtungo sa bansa, bukod sa magagandang tanawin, mura ang cost of living sa Pilipinas kaya magandang magtungo dito.
Pumalo naman sa mahigit siyam na raang libo ang bumisitang mga Tsino na nagpaangat sa industriya ng turismo sa bansa.
Matatandaang nangako ang China sa Pilipinas na magpapadala ito ng isang milyong turista kada taon dahil sa gumagandang relasyon ng dalawang bansa.
Bagaman nagkaroon ng kaunting pagbaba sa tourist arrival, nananatiling ang Korea ang pinakamaling pinagkukunan ng merkado ng bansa na may mahigit isang milyong ambag turismo.
Sinusundan ito ng China, USA at Japan.
( Jun Soriao / UNTV Correspondent )
Tags: China, DOT, tourist arrivals