Tourist area sa El Nido, Palawan, isasailalim na rin sa rehabilitasyon

by Radyo La Verdad | November 14, 2018 (Wednesday) | 12862

Nakitaan ng paglabag ng pamahalaan sa mga batas pangkalikasan ang mga tourist area sa El Nido, Palawan.

Ang El Nido ay may 45 isla na isa sa mga magagandang tourist spot sa bansa.

Mismong si Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang nakakita sa mga paglabag na ito ng ilang establisyemento. Over crowded na rin aniya ang lugar kaya’t kailangan limitahan na ang mga bumibisita doon.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng El Nido, nasa 22 istruktura na ang kusang ipinagiba ng mga may-ari habang may kinukumpirma pa silang 50 na nakitaan din ng paglabag.

Katulad sa Boracay, ilan sa mga paglabag ay ang pagtatayo ng istruktura malapit sa dagat na lampas sa ipinahihintulot na distansya at ang hindi maayos na pagtatapon ng waste materials.

Ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu, target nilang maging environmental compliant ang buong Palawan subalit uunahin muna nila ang Coron at El Nido.

Sa ngayon aniya ay ang mga establisyemento na lumalabag sa batas ang kanilang ipapasara at hindi ang buong tourist area.

Ayon naman kay DILG Secretary Eduardo Año, hindi naman kasing lala ng nangyari sa Boracay ang kalagayan ngayon ng El Nido.

Bubuo aniya sila ng rekomendasyon sa Pangulo subalit maaaring hindi na kailangang isara ang El Nido gaya ng ginawa sa Boracay.

Ayon pa kay Secretary Cimatu, sana ay maging halimbawa ang kanilang mga inaayos na lugar para na rin sa iba pang tourist area sa bansa.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,