Tour sa small at big lagoon sa El Nido, may dagdag bayad na simula ika-1 ng Disyembre

by Radyo La Verdad | November 27, 2018 (Tuesday) | 7577

Simula ika-1 ng Disyembre, maniningil na ng dagdag na bayad ang lokal na pamahalaan ng El Nido sa mga nais pumunta sa small at big lagoon.

Ayon kay El Nido-Taytay Protected Area Management Office Assistant Superintendent Carolyn Esmenda, ito ay isang paraan para malimitahan ang mga turistang pumapasok dito.

Pero ang mga tour operator ngayon palang ay nangangamba na dahil tiyak anilang maaapektuhan ang kanilang mga negosyo.

Paliwanag ni Esmenda, ang pera na makokolekta nila sa dagdag na bayad sa mga lagoon ay gagamitin ng lokal na pamahalaan sa pagha-hire ng mga marshall na magbabatay sa mga lagoon.

Sa ngayon daw, kulang na kulang sila sa tauhan kaya maging ang huling araw ng dry run sa small at big lagoon ay hindi naisagawa ng maayos.

Pinaalalahanan naman nito ang mga tour guide na sundin ang mga oras kung kailan sila dapat pumasok sa lagoon upang maiwasan ang sabay-sabay na pagdating ng mga turista doon.

Sa ngayon ay pinag-aaralan pa ng lokal na pamahalaan kung ano pang mga guidelines ang dapat maipatupad sa isla batay sa kanilang isinagawang dry run sa paglilimita sa mga turista.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,