Total ban sa mga paputok, posibleng ipatupad kung mataas ang firecracker related injuries sa pagpapalit ng taon

by Radyo La Verdad | December 22, 2016 (Thursday) | 2477

PAPUTOK
Isusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad sa total ban sa mga paputok kapag marami ang nadisgrasya rito ngayong pagpapalit ng taon.

Sa ginawang pagpupulong sa Bulacan ng DILG, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection kasama ang Local Government Unit at mga manufacturer at dealer ng firecrackers at pyrotechnics, sinabi ni Interior and Local Government Assistant Secretary Rico Judge Echiverri na ipagbabawal ng pangulo ang paggamit ng paputok kapag umabot sa mahigit walong daan ang firecracker related injuries.

Batay sa tala ng Department of Health, mula noong December 21, 2015 hanggang January 5, 2016, umabot sa 929 ang firecracker-related injuries kung saan isa rito ang nasawi.

Kaya naman nais ni Pangulong Duterte na maging ehemplo ang Davao City at ipatupad ang total firecracker ban sa buong bansa.

At dahil kilalang firecrackers capital ng bansa, titiyakin naman ng lokal na pamahalaan ng bulacan ang mahigpit na pagbabantay sa mga pagawaan at tindahan ng paputok sa Bulacan.

Payo naman ng Department of Trade and Industry sa mga bibili at gagamit ng firecrackers at pyrotechnics, tiyakin na ang produktong gagamitin ay mayroong Philippine Standard o PS mark upang masigurong dumaan sa pagsusuri ng DTI at ligtas gamitin.

Samantala nagsagawa naman ng fireworks display kagabi sa kapitolyo ng Bulacan bilang pag-sang ayon ng lokal na pamahalaan sa panukalang paggamit sa pyrotechnics o pailaw sa halip na mga paputok.

(Nestor Torres / UNTV Correspondent)

Tags: ,