Total ban sa bentahan at paggamit ng paputok, isinulong sa Kongreso

by Radyo La Verdad | November 30, 2022 (Wednesday) | 6933

METRO MANILA – Isinulong ni House Committee on Local Government Chairman at Valenzuela City Representative Rex Gatchalian na tuluyan nang ipagbawal ang bentahan, distribusyon at paggamit ng mga “firecracker” o paputok at iba pang pyrotechnic devices.

Nakapaloob ito sa House Bill 5914 o “Firecrackers Prohibition Act” na inihain ni Gatchalian na layuning mabawasan o mapigilan ang mga nasasaktan, nasusugatan o nagtatamo ng pinsala dahil sa firecrackers.

Kapag naisabatas, ang mga lalabag sa unang pagkakataon ay papatawan ng multang P1,000 at kulong na hindi higit sa 1-buwan, kapag inulit ang paglabag ay multang P3,000 o kulong na hindi higit 3-buwan ang kakaharapin habang sa ikatlong paglabag ay naghihintay ang parusang kulong hanggang 6-buwan at multang P5,000.

Mananagot naman ang presidente o general manager ng establisyimentong lalabag at kakanselahin din ang business permit ng negosyo kapag nakatatlo itong paglabag.

Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, ang mga korporasyon o kumpanya ay dapat munang kumuha ng “special permit” mula sa Philippine National Police Fire and Explosive Office.

Tags: , ,